Sa wakas! Dumating na din ang araw na aking pinakahihintay!!! Makakapaglakbay na din ako papuntang Europa! Makikita ko na din sa wakas ang mga bantog na siyudad tulad ng Madrid at Berlin at kung ano-ano pa! Mag-aaral ako doon at kikilala ng mga sari saring mga babae na mababango at mahahalimuyak! Ngunit hindi dapat matanto ng aking mga magulang na ako ay maglalakbay. Bago ang lahat kailangan ko maghanda ng aking mga dadalhin. Ano kaya ang mga dapat ko ilagay sa aking bayong?
Mahalagang mukha akong kagalang galang at matipuno sa aking paglakbay sa Euorpa. Kailangan ko dalhin ang aking pinaka magarang barong, ang pantalon na walang butas at ang aking pinakamaputing camisa de tsino . Hindi ko din maaring kalimutan ang pomade para ayos na ayos ang aking buhok at para magmukha itong madulas at kaakit akit sa mga kababaihan. Dadalhin ko din ang aking pabango na pinaghalo-halong katas ng kalamansi, papaya at sinigwelas. Tiyak patok na patok ang tila maprutas na halimuyak sa ilong ng mga kababaihan doon!
Para naman sa aking ibang gamit, siyempre hindi ko dpat malimutan ang pang ahit. Kailangang malinis ang aking mukha. Mahirap na baka tumubo ang aking bigote na tila magmukha akong isang ermitanyo. Labis akong malulungkot at masusuya kung malimutan ko ang pinakaimportanteng kagamitan at ang aking mga paborito, ang pluma at ang papel. Dadalhin ko ang aking pluma na may pinaka matingkad na kulay at rolyo ng mga bagong papel para dito ko isulat ang mga naging pangyayari sa aking paglalakbay.
Siya nga pala, matagal ang aking biyahe. Sigurado magugutom ako! Ano kayang masarap baunin? Ay alam ko na! magdadala ako ng puto at kakanin! Mmmmmm ang sarap ng mga iyon! Paborito ko pa naman ang mga iyon lalo na ang mga putong ubod ng laki at ang mga sobrang lapot na kakanin. Tiyak hindi na ko gugutumin nito sa biyahe ko! Ayan kumpleto na ang laman ng aking bayong! Europa, hintayin mo ako! Parating na si Pepe!!!
-Pepe
(Popo Mamaril 073907)
No comments:
Post a Comment